(11am Update)
Bahagyang bumilis ang bagyong amang habang tinutumbok ang Caraga Region.
Huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa layong 165 kilometro, silangan hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang naturang sama ng panahon pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Nakataas naman ang public storm signal number 1 sa Eastern Samar; Samar; Biliran; Leyte; Southern Leyte; Eastern Bohol; Northern Cebu; Agusan del Sur; Agusan del Norte; Surigao del Sur; Surigao del Norte; Dinagat Islands at Camiguin.
Posibleng mag-landfall ang bagyo sa Surigao del Norte o Siargao Islands ngayong hapon o mamayang gabi.
Simula ngayong araw, makararanas na ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Caraga, Northern Mindanao, Compostela Valley, Davao Oriental, Eastern Visayas, Central Visayas, Bicol Region, Southern Quezon, Marinduque at Romblon.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Inabisuhan na rin ang mga mangingisda sa mga apektadong lugar na huwag munang pumalaot dahil sa masamang panahon.
—-