Hindi matatawaran ang sayang nararamdaman ng isang magulang kapag nakapagtapos sa pag-aaral ang kanilang anak.
Ganito ang pakiramdam ng isang ama mula sa Legazpi City, Albay. Upang ipagdiwang ang okasyon, nais niyang bilhan ng cake ang bagong graduate na anak na si Lawrence. Ngunit sa kasamaang-palad, P100 lamang ang natitira niyang pera.
Nagtungo sa Lazy Baker Cupcakerie ang ama. Nagbigay siya ng sulat sa may-ari nito upang itanong kung mayroon ba silang maliit na cake na mabibili sa halagang P100.
Kwento ng admin staff ng bakery, kilala na talaga nila si tatay dahil nanghihingi ito sa kanila ng tirang cake kada linggo. Nakakausap nila ito sa pamamagitan ng sulat dahil siya ay pipi at bingi.
Kaya nang matanggap ang special request ni tatay, hindi na sila nagdalawang-isip na gumawa ng graduation cake para kay Lawrence. Anila, naantig sila sa hindi natitinag na pagmamahal ni tatay para sa kanyang anak.
Lubos naman ang pasasalamat ng ama sa ginawang kabutihan ng mga tauhan ng bakery para sa kanya. Agad siyang nagbigay ng panibagong sulat na nagsasabing kung may gusto silang ipatrabaho o ipalinis sa panaderya, siya na lang ang gagawa upang makabawi sa lahat ng tulong na ibinigay nila para sa kanya.
Matapos ibahagi ng bakery sa kanilang social media page ang pangyayari, inulan ng biyaya si tatay dahil maraming netizen ang nais magpaabot ng karagdagang handa at tulong para sa kanyang pamilya.
Tunay ngang walang kapantay ang pagmamahal at sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Magsilbi sana itong inspirasyon na laging iparamdam ang ating pagpapahalaga at pagmamahal para sa ating mga magulang.