(11am Update)
Napanatili ng bagyong Amang ang lakas nito habang nananatili sa eastern seaboard ng Eastern Visayas.
Sa huling tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 40 kilometro hilaga hilagang-silangan of Guiuan, Eastern Samar.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-hilaga sa bilis na 10 km/h.
Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Sorsogon, Masbate kabilang na ang Ticao Island, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte.
Ayon sa PAGASA, asahan ang katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan sa Eastern Visayas, Central Visayas, at Bicol Region ngayong araw.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga apektadong lugar laban sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha.
Pinayuhan din ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot dahil sa masamang panahon.
—-