Muling kinilala ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng tulong ng Japanese government sa Pilipinas sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan, partikular sa katimugang rehiyon ng bansa.
Sa isang courtesy call sa mga miyembro ng Japanese parliament, nagpasalamat si PBBM sa Japan sa aniya’y hindi natitinag nitong suporta sa peace process at sa halos hindi mabilang na development assistance sa mga Pinoy.
Particular na tinukoy ni Pangulong Marcos ang J-BIRD Program o ang Japan-Bangsamoro Initiatives for Reconstruction and Development na nagbibigay ng pangmatagalang suporta para sa pamamahala, decommissioning at socio-economic development sa rehiyon.
Matagal na aniyang sumusuporta ang Japanese government sa peace processes sa bansa pamamagitan ng iba’t ibang mekanismo, partikular na ang International Monitoring Team o IMT, International Contact Group o ICG at ang Independent Commission on Policing o ICP.
Batay sa datos, mula 2002 hanggang 2019 ay pumalo na sa 51 billion Japanese yen ang halaga ng Official Development Assistance o ODA ng Japan para sa kapayapaan at kaunlaran sa Kamindanawan. Kasalukuyang nasa five-day working visit sa Japan si Pangulong Marcos, kasama ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno at business leaders.