Pumanaw na ang Founder at Chairman Emeritus ng ALC Group of Companies at dating Ambassador to Laos Antonio Cabangon-Chua.
Pumanaw si Cabangon-Chua na mas kilala sa tawag na ‘Amba’ sa edad na 81 kahapon ng umaga, March 11, sanhi ng hindi tinukoy na karamdaman.
Naulila nito ang kanyang asawa na si Bienvenida Angeles Cabangon gayundin ang kanyang mga anak at apo.
Kasalukuyang naka-burol ang labi ng dating embahador sa Heritage Park, Arlington Chapel sa Taguig City.
Ang DWIZ 882 AM at 97.9 Home Radio (FM) ng Aliw Broadcasting Corporation ay kasapi sa ALC Group of Companies na pinamunuan ni Cabangon-Chua.
Nitong November 2015, pinarangalan at kinilala si ‘Amba’ ng Catholic Mass Media Awards (CMMA) sa malaking ambag nito sa larangan ng mass media.
Remembering Amba
“Mula sa pusali hanggang sa mga tala.”
Ito ang paglalarawan ng pambansang alagad ng sining na si Nick Joaquin sa tagumpay na tinamasa ng namayapa nang si dating Ambassador to Laos Antonio L. Cabangon-Chua at Chairman Emeritus ng ALC Group of Companies.
Si Cabangon Chua ang nagtatag ng nasabing grupo ng mga kumpanya na kinabibilangan ng media, insurance, sasakyan, bangko, security, paaralan, mga hotel, lupa, at iba pa.
Kaya naman sa edad na 40 , nakilala si Cabangon-Chua bilang isang self-made millionaire.
Bago iyon, si Cabangon-Chua ang naging pinakabatang kasapi ng Chamber of Pawnbrokers of the Philippines sa edad na 26.
Bukod sa mga pinasok na negosyo, may ranggong koronel si Cabangon-Chua sa Reserve Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Avee Devierte