Hindi pa handang sabihin ng Commission on Elections (COMELEC) na election related violence ang nangyaring pananambang at pagpatay kay Tungawan, Zamboanga Sibugay Mayor Randy Adlawan Climaco.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya bago masabing may kinalaman sa 2016 elections ang naganap na ambush.
Nangyari ang pananambang kay Climaco sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy ng ‘di pa malamang bilang ng mga salarin.
Sugatan sa ambush ang dalawang escort ng alkalde habang nagtamo ng daplis sa ulo ang running mate ni Climaco na si Vice Mayor Abison Abduraok.
Kaugnay nito, sinabi sa DWIZ ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na nagpapatuloy ang imbestigasyon kung may kinalaman sa pulitika ang pamamaslang kay Mayor Climaco.
“Kasalukuyan nating iniimbestigahan ito kung ano talaga ang mga circumstances regarding the incident, actually nagdagdag po ng puwersa pa doon nang maayos ang sitwasyon doon.” Pahayag ni Mayor.
By Meann Tanbio | Kasangga Mo Ang Langit