Dapat nang paghandaan ng Pilipinas ang epekto ng bagong patakarang ipapatupad ni Donald Trump sa pag-upo nito bilang bagong Pangulo ng Amerika, partikular ang ‘protectionist policy’ nito na nakapaloob sa “America First”.
Sa panayam ng Karambola, sinabi ni Professor Alex Magno na kung maitutulak ni Trump ang kaugnay sa ‘protectionist policy’ ay malaki ang negatibong epekto nito sa Pilipinas.
Isinasaad sa “America First” na uunahin muna ng Amerika ang pansariling interes ng bansa para protektahan ang mga mamamayan nito.
“Kagaya nung paparusahan niya ang mga mag-iinvest sa Business Process Outsourcing (BPO), hahadlangan niya yung importation, yung immigration. Kapag nag-isolation ang US, eh bubuksan na lang nila ang international geo-politics sa Moscow at Beijing.”
Iginiit ni Magno na ang planong pagsasara ng Amerika sa kalakalan at sa mga immigrant ay may pangmatagalang epekto sa ekonomiya ng maraming bansa.
“Ang problema kay Donald Trump hindi niya ma-distinguish ang totoo sa hindi, and sabi niya kung ano ang gusto niyang reality.”
Culture war
Samantala, naging hudyat sa napipintong culture war ang pagkapanalo ni Donald Trump bilang Pangulo ng Amerika.
Ito ay matapos sumiklab ang malawakang kilos protesta sa iba’t ibang panig ng mundo kasabay ng pag-upo ni Trump sa puwesto.
Sinabi ni Professor Alex Magno na nabanggaan kasi ang mga botanteng may luma at bagong pananaw.
“Dalawang values systems yan eh, yung mga luma yung si Trump at mga botante niya, at yung mga bagong pananaw, pro-choice, multi-cultural na extension ng liberal.”
“Gusto niyan i-block ang mga pagbabago na gusto ni Trump na makakasira talaga sa ekonomiya, halimbawa yung pag-stop sa free trade, paglansag sa Obama Care, so basically magiging constituents yan ng democratic party resistance, minority ngayon ang democratic pero sila ang tututol dito sa mga ganitong patakaran. Hopefully maipapaliwanag nila ang consequences na kung hindi sila mag-iimport ng commodities ay mamahal ang bilihin para sa mga ordinaryong Amerikano.”
Idinagdag din ni Magno na magiging tension sa pulitika ng Amerika ang pagkapanalo ni Trump kontra Hillary Clinton.
“Ang problema ngayon, 3 million ang majority vote ni Hillary laban kay Trump pero panalo sa electoral college si Trump, so itong Democratic minority is actually speaking for the majority, ang tension is you have a President elected by the majority of the electoral college but who does not represent majority sentiment.”
By Aiza Rendon
Credits: Karambola Program of DWIZ mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:00 AM to 10:00 AM kasama sina Jonathan Dela Cruz, Jojo Robles at Conrad Banal