Nanganganib mapabalik sa Estados Unidos ang isa nilang mamamayan matapos maaresto ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Castillejos, Zambales.
Kinilala ni PDEG Director P/BGen. Remus Medina ang naaresto na si John Louis May na kilala rin sa alyas na John Louis, 42 anyos at part-time construction worker.
Naaresto si Louis sa ikinasang drug buy-bust operations ng pinagsanib na puwersa ng PDEG, Zambales Provincial PNP at Castillejos Police Station sa Brgy. Del Pilar.
Nakuha mula sa Kano ang humigit kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabi na nagkakahalaga ng 340 libong piso at boodle money na ginamit sa operasyon.
Hawak na ng Special Operations Unit ng Police Regional Office 3 at ng PDEG ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)