Arestado ang isang American national na umano’y pumatay sa may bahay nitong Pilipina sa Amerika at una nang idineklarang nawawala sa loob ng dalawang taon.
Ang suspek na si Dane Kallungi, 38 anyos ay kinasuhan ng first degree murder matapos arestuhin sa Albuquerque, New Mexico nitong Hunyo 16 dahil sa pagpaslang sa asawang si Jepsy Amaga kallungi, 26 anyos.
Ayon kay Lt. Joe Frabbile ng Colorado Springs Police Department, may mga usapan ng hiwalayan ng mag asawa nang mangyari ang pagpaslang ni kallungi sa asawang Pinay sa pamamagitan ng pagsakal dito at paglilibing sa labi nito.
Sinabi ni Frabbile na naipaalam na nila sa mga kaanak ng pinay sa Pilipinas at Hong Kong ang pagkaka aresto kay kallungi na pina-plantsa na ang extradition pabalik sa Colorado.
Nabatid na nakipag-ugnayan na ang pamilya ng Pinay sa Philippine Embassy sa Washington para makuha ang labi nito.
Ang Pinay na si Jepsy ay huling nakita nuong Marso 20, 2019.