Pansamantalang ipinatitigil ng Amerika ang pamamahagi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na gawa ng Johnson & Johnson dahil sa mga report ng blood clot o pamumuo ng dugo sa mga naturukan na nito.
Ayon sa report, anim na kaso ng blood clot ang naitala ng US Food and Drug Administration (FDA) mula sa halos 7-milyong doses ng bakuna kung saan nasa 18 hanggang 48 anyos at pawang mga kababaihan ang biktima.
Binigyang diin ng US FDA na inirerekomenda nila ang pagtigil pansamantala sa Johnson & Johnson vaccine bilang precautionary strategy ng kumpanya matapos makumpirmang isang pasyente ang nasawi dahil sa naranasang blood clotting complications habang isa naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Ika-27 ng Pebrero nang aprubahan ng Amerika ang paggamit ng nasabing bakuna na umano’y mas mabisa kumpara sa Pfizer-BioNTech at Moderna.
Inanunsyo rin ng mismong kumpanya ang pagkaantala ng kanilang vaccine roll out sa Europe.