Itinanggi ng Anti Money Laundering Council (AMLC) ang alegasyong nagkaroon sila pagpapabaya matapos makapasok ang mahigit 600-milyong dolyar na cash na bitbit ng mga Pilipino at Chinese couriers sa nakalipas na pitong buwan.
Ayon kay AMLC Executive Director Mel Georgie Racela, tumatayo bilang pangunahing regulator sa pagpasok ng mga foreign currency sa bansa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Bureau of Customs (BOC).
Sinabi ni Racela, makakagalaw lamang sila kapag nagsumite na ng foreign currency and other foreign exchange-denominated bearer monetary instruments declaration form ang BOC para makapagimbestiga ang AMLC.
Alinsunod sa isang memorandum of agreement, kinakailangang isumite ng BOC ang nabanggit na form sa AMLC sa loob ng unang 10 araw ng bawan buwan.
Iginiit pa ni Racela Marso pa lamang noong nakaraang taon nagsimula na silang mag-imbestiga hinggil sa pagpasok ng malaking halaga ng dolyar sa bansa at Agosto nang kanilang inalarma ang BOC at BSP hinggil dito.
Magugunitang sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, nagbabala si Blue Ribbon committee Chairman Richard Gordon laban sa pagsasampa ng kaso laban sa AMLC dahil sa pagpapabaya kaugnay ng pagpasok ng milyong-milyong halaga ng dolyar sa bansa.