Nagpalabas ng freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa bank deposits at iba pang assets ng isang religious group dahil sa alegasyon na ginagamit umano ito para pondohan o suportahan ang terorismo.
Batay sa resolusyon ng AMLC, hindi na maaaring galawin ang tatlong bank accounts ng Haran Center ng United Church of Christ in the Philippines o UCCP sa Philippine National Bank na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P600,000 at maging ang isang real property na nakapangalan sa Brokenshire Integrated Health Ministries, Inc.
Ipinalabas ang freeze order matapos umanong lumabas sa imbestigasyon ng AMLC na ang assets ng center ay ginagamit para suportahan ang terorismo na paglabag sa Republic Act 10168 o mas kilala bilang The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Nabatid na ang Haran Center sa Bankerohan, Davao City ay kanlungan ng mga indigenous peoples sa Mindanao pero sinasabing ginagamit din para himukin ang mga katutubo, kabilang ang mga menor de edad, na lumaban sa gobyerno hanggang sa maging miyembro ng New People’s Army (NPA).