Pinagpapaliwanag ng Supreme Court ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng hakbang nito na imbestigahan ang mga bank accounts ni Vice Pres. Jejomar Binay, pamilya nito, mga abogado, at kaibigan.
Sa isang pahinang resolusyon ng Korte Suprema, inatasan nito ang AMLC na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay ng petisyong inihain ng Subido Pagente Certeza Mendoza and Binay (SPCMB) Law Office kung saan dating partner si Makati Rep. Abigail Binay.
Pinangalanang respondent sa petisyon ng kampo ng mga Binay sina Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Amando Tetangco Jr., Securities and Exchange Commission Chief Teresita Herbosa, at Insurance Commission Head Emmanuel Cooc na pawang mga miyembro rin ng AMLC.
Kabilang din sa kahilingan ng petitioner na ideklarang unconstitutional ang Section 11 ng Anti-Money Laundering Act of 2001 dahil sa napagkakaitan umano ng due process ang indibidwal na sentro ng imbestigasyon ng AMLC.
By Bert Mozo / Meann Tanbio