NAGMISTULANG dagat ng pula at berde ang Amoranto Sports Complex sa Siyudad ng Quezon noong Lunes nang punuin ng BBM-Sara UniTeam supporters ang stadium hanggang sa kasuluksulukan ng complex para sa proclamation rally na inorganisa para sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kanyang running-mate, Davao City Mayor Sara Duterte.
Ang rally na inorganisa ng Partido Malayang Quezon City ay pinamumunuan nina mayoralty aspirant Mike Defensor at vice-mayoralty aspirant Winnie Castelo, ito ay nagsimula ala-una ng hapon, ngunit nasaksihan ang dagsa ng pulu-pulutong na mga tao bago pa man binuksan ang gate dakong alas-10 ng umaga.
“Dumating kami dito ng 8 am tapos maya-maya andami nang mga tao na naghihintay na makapasok, nagsimula na kaming magpapasok ng 10 am kasi 1 pm nagsimula ang program. Ngayon nasa 25,000 na ‘yang mga tao dito sa loob palang ‘yan ng stadium, marami pang nasa labas nitong stadium at nasa labas nitong complex. Gustong-gusto nila makita si BBM,” pahayag ng isang usher.
Ilang sandali lang bago dumating si Marcos ng ala-sais ng gabi, inakala ng mga tao sa labas ng gate na dumating na ang dating senador dahil sa isang armored van na papasok sa complex kaya nagtakbuhan ang mga supporters para lamang makita si Marcos pero ikinalungkot nila na wala dun ang kanilang kampeon.
Kaya naman ‘yung pananabik nila at kagalakang makita ang pambato nilang presidente ay kanilang pinatunayan nang dumating na ito, sigawan at hiyawan ang salubong nila kay Marcos.
Naging doble pa ito nang makita rin nila na kasama ni Marcos ang kanyang anak na si Sandro.
Nakinig ng taimtim at maayos ang mga tao sa bawat pambatong senador ng UniTeam na una nang dumating, maging ‘yung mga nagbigay ng video messages.
Nakisayaw din sila sa dating spokesperson ng Palasyo na si Harry Roque nang yayain sila nito bago siya magsalita.
Habang may mga umiyak sa tuwa nang sinimulan ni Castelo ang talumpati nito sa pagsasabi na tuluyan nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification cases laban kay Marcos.
“Mabuti naman. Pinagdarasal ko nga na i-dismiss na mga ‘yun eh,” sabi ng isang supporter na nakaupo sa likod ng stage.
Naging malakas din ang hiyawan nang sinabi ni Castelo na, “Sinasabi nila na hindi nakikita si Bongbong Marcos kapag may kalamidad o sakuna pero sa Yolanda, sa SAF44, sa Marawi, sa Taal, sa Odette at sa iba pa, nandun siya. Lagi nga siyang nangunguna.”
“Ang tunay na leader nananalig sa Panginoon. Si Bongbong, nananalig sa Panginoon sa salita at sa gawa dahil ang pagtulong sa kapwa ay pananalig sa Diyos at iyan ay laging ginagawa ni Bongbong Marcos,” sabi pa niya, hiyawan ulit ang mga tao.
At nang si Defensor na ang nagsalita, palakpakan at may kasamang sigawan nang sabihin niya na, “Ngayong araw, ngayong gabi, sa pagdating ng susunod na Pangulo na si President Bongbong Marcos ay lumiliwanag na naman ang bukas ng Quezon City.”
Nang si Marcos na ang nagsalita, makailang beses na nilunod ang kanyang talumpati dahil sa pananabik ng mga manonood na dinaan sa sigawan ng “BBM”, patunay na talagang mahal nila ang dating senador.
Kahit na umalis na sa stage si Marcos, marami pa rin sa mga supporters ang nanatili sa stadium habang ang Plethora Band ay kumanta ng maraming awitin, lalo na ang version nilang “Bagong Lipunan” na mistulang tinatrato ng madla na isang makabayang awit.
Nauna nang ginawa ng OPM rock band ang bagong bersyon nila ng “Bagong Lipunan” ng libre upang ipakita ang kanilang buong pusong suporta kay BBM, na ngayon ay sikat na sikat na awit na nga sa mga supporter ng UniTeam.
Ginamit naman ng isang lalaki ang isang lamesang tungtungan habang sumasayaw sa tugtog ng banda habang itinataas ang hawak niyang stuffed toy na tiger para ipakita ang kayang suporta kay Marcos na kilalang “Tigre ng Norte.”
“Kahit matagal kaming maghintay basta makita namin si BBM, masaya kaming uuwi,” sinabi ng isang supporter habang papalabas ng gate.