Sugatang ang isang 27-anyos na binata matapos saksakin ng kanyang sariling ama makaraang magalit nang lantakan ng biktima ang pananghalian sa kanilang bahay sa Viga, Catanduanes.
Isang tama ng saksak sa dibdib ang tinamo ng biktimang kinilala lamang sa pangalang “Roby”, isang construction worker.
Kalaboso naman at nahaharap sa kasong tangkang pagpatay ang tatay na si “Berting”, 60-anyos
Ayon sa awtoridad, umuwing lasing ang suspek mula sa pakikipag-inuman. Gayunman, laking galit nito nang maghanap ng makakain ay wala na itong mahagilap.
Agad nitong kinompronta ang anak kung bakit kinain nito ang kanyang pananghalian dahilan para mainit na nagkasagutan ang mag-ama.
Hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek saka tinarakan ang sariling anak.
Sumuko naman ang suspek sa mga pulis bitbit ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.