Nasawi ang anak na babae ni Bayan Muna Party-list Rep. Eufemia Campos Cullamat na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ng mga elemento ng 3rd Special Forces Battalion (3SFBn) sa San Isidro, Marihatag, Surigao del Sur kahapon ng hapon.
Kinilala ni civil-military operation officer 1Lt. Krisjuper Andreo Punsalan ang napatay na amasona na si Jevilyn Campos Cullamat, alyas “Ka Reb”, 22 taong gulang, at sinasabing miyembro ng Sandatahan Yunit Pampropaganda (SYP) ng Guerrilla Front (GF) 19 ng Northeastern Regional Committee (NEMRC) ng NPA.
Sinabi ni Punsalan na narekober nila sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong AK-47 rifles, isang M14 rifle, isang M653 5.56 caliber rifle, at limang backpacks na umano’y naglalaman ng subversive materials at documents.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.