Patay sa pamamaril ang anak ng isang kongresista kasama ang aide nito sa Brgy. Pagatpat, Cagayan De Oro City.
Kinilala ang mga biktima na sina Roland Sherwin Uy, 45 taong gulang at Samuel Pabalan, 73 taong gulang.
Sa salaysay ng driver ni Uy na si Rubi Alayuay, nasa loob lamang siya ng palikuran nang marinig siya ng pagtatalo sa pagitan ni Uy at hindi niya kilalang lalaki na ‘di umano’y nag-aalok ng buhangin at graba.
Sumunod nito ay nakarinig na siya ng mga putok ng baril kaya’t dahil sa takot ay hindi na niya nagawa pang lumabas ng banyo.
Ang biktimang si Uy ay kasalukuyang konsehal ng barangay Carmen at anak ni Cagayan De Oro City first district Rep. Rolando Uy.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente habang tinutugis din ang mga hindi pa tukoy na salarin.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala sa panulat ni Hya Ludivico