Isang anak ng magsasaka sa Bulacan ang nagkaroon ng pagkakataong mag-aral sa Harvard University!
Anu-ano ang mga pagsubok na kaniyang sinuong para makapasok sa prestihiyosong unibersidad na ito? Tara, alamin natin yan.
Gaya ng mga batang lumaki sa mga probinsya sa Pilipinas, karaniwan na sa mga ito na malalayo ang kanilang pinapasukang eskwelahan.
Nagtitiis ang mga ito ng mahabang paglalakad araw-araw sa hindi sementadong mga kalsada at ilog, umulan man o umaraw para lamang makapunta sa paaralan.
Ito ang araw-araw na hamon na sinuong ni Romnick Blanco para lang makakuha ng isang disenteng edukasyon.
Pangpito sa siyam na magkakapatid si Romnick ng mag-asawa na parehong magsasaka at nakatira sila sa isang bukid sa San Miguel, Bulacan.
Dahil sa kagustuhang mai-ahon sa kahirapan ang mga magulang kung kaya’t nagpursige ito sa kaniyang pag-aaral.
Nagbunga naman ang kaniyang pagsisikap dahil noong 2011, naging ‘sponsored child’ si Romnick ng isang non-government organization na GreenEarth Heritage Foundation na nagtataguyod ng sustainable development ng agrikultura upang matulungan ang mga magsasaka at ang kanilang mga anak.
Napansin ng foundation ang sipag ni Romnick sa pag-aaral, at hindi nagtagal, nakamit niya ang pinakaaasam na 5-year scholarship sa pinakamatandang international high school sa bansa at limang acceptance at full scholarships sa Harvard University, Dartmouth College, Wesleyan University, and New York University at sa Abu Dhabi.
Agad na tinanggap ni Romnick ang alok mula sa Harvard noong 2018 at noong 2023 ay nagtapos ito ng kursong edukasyon.
Ikaw, hadlang nga ba talaga ang kahirapan para makapagtapos ka ng pag-aaral? – sa panulat ni Kim Gomez