Balik bansa na ang anak ng umano’y pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles, na akusado sa 20 million dollar money laundering case sa Estados Unidos.
Kinumpirma ni Atty. Ian Encarnacion, abogado ni Jeane Catherine Napoles na bumalik ng Pilipinas ang kanyang kliyente noong Biyernes o araw na napaulat na lumabas ng bansa ang nakababatang Napoles.
Dakong alas tres y medya ng madaling araw aniya nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport si Jeane Mula Denpasar mula sa Bali, Indonesia lulan ng Zest Air Flight.
Tiniyak naman ni Encarnacion na haharapin ng kanyang kliyente ang mga kaso sa Pilipinas maging sa Estados Unidos.
Batay sa records ng Bureau of Immigration, Hulyo 27 nang lumabas ng bansa si Jeane, limang araw bago basahan ng sakdal ng US Federal Grand Jury.
Bukod kay Jeane, sangkot din umano ang lima niyang kaanak kabilang ang inang si Janet sa naturang kaso.