Inabsuwelto ng Court of Tax Appeals ang anak ni dating Chief Justice Renato Corona sa 5.8 Million Peso tax evasion case na inihain laban sa kanya kaugnay sa pagbili ng isang lote noong 2010.
Sa labing-anim na pahinang resolusyong pinonente ni Presiding Justice Roman del Rosario ng 1st Division ng C.T.A. kinatigan ng korte ang demurrer to evidence na inihain ni Ma. Carla Beatrice Castillo, anak ni Corona, na nagbabasura sa kaso laban kanya dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Magugunitang inakusahan ng Bureau of Internal Revenue si Castillo na nabigong maghain ng annual Income Tax Return noong 2010 at umiwas sa pagbabayad ng 5.83 Million Pesos na buwis.
Ito ang naging daan upang kasuhan si Castillo ng paglabag sa National Internal Revenue Code pero nabigo ang gobyerno na patunayang resident ng Pilipinas ang akusado noong 2010 o mayroon siyang anumang local source of income sa nasabing taon.