Sinampahan na ng patum-patong na kaso ang anak ni dating PBA Star Nelson Asaytono makaraang mawalan ito ng kontrol sa minamanehong sasakyan kamakalawa na ikinasawi ng isa.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide, driving with an expired license at driving under the influence of alcohol ang 22-anyos na si Kim Arielle Asaytono.
Ayon kay SPO3 Rey Fernandez ng Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District o MPD, binabagtas ni Asaytono ang kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard alas-8:30 ng Martes nang araruhin nito ang dalawang tricycle sa Kalye Altura sa Sta. Mesa Maynila.
Nagdire-diretso pa ang nasabing kotse kung saan, sinuyod din nito ang isang tayaan ng karera at barberya na nagresulta sa pagkasugat ng may 12 indibiduwal.
Away sa kasamahang babae sa loob ng sasakyan ang naging dahilan ng malagim na insidente nang agawain umano kay Asaytono ang manibela na siyang sanhi ng pagkawala ng kontrol nito.
By Jaymark Dagala