Sa gitna ng pagdadalamhati, umalma ang anak ni Tanauan City Mayor Antonio Halili na si Angeline sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos idiin ng Pangulo ang pinatay na si Halili sa operasyon ng iligal na droga at i-hanay sa mga napatay ding suspected narco-politicians na sina Albuera Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr.
Giit ni Angeline, pawang sabi-sabi ang mga akusasyon laban sa kanyang ama at malinaw na nabigyan aniya ng mga maling impormasyon ang Pangulo.
“Those are hearsay, what proof do they have, walang katotohanan kahit saang korte niyo dalhin, hearsay lang ‘yun, anong proof? Pumasok kayo sa bahay namin, andito kaming lahat bukas ang bahay namin, anong makikita niyo, wala? Sino kayo para magsabi?”
Sinabi ng nakababatang Halili na mistulang tinraydor ang pakiramdam ng kanyang ama noon nang idawit ni Pangulong Duterte sa narco-list.
Ito’y dahil sa mahigpit na nilalabanan aniya ng kanyang ama ang iligal na droga sa kanilang lungsod.
“My dad is fighting for the right of all people here, not just in our city, sa lahat, buti sana kung kami ang masama, hindi eh, ipinaglalaban namin ang mga tao, ‘yung mga tao na sinisira ang buhay ng mga druglords na ito, so anong gusto mong gawin namin to let druglords live and reign?”
(Credit: AP Photo)