Nagsorry ang anak ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na si Axl sa isang security guard sa Parañaque na binugbog ng kaniyang kapatid na si Kurt Matthew Teves.
Nabatid na pinaluhod, sinuntok at pinagsisisipa ni Kurt ang sekyu na kinilalang si Jomar Pajares matapos niyang pagbawalang pumasok ng BF Homes Subdivision dahil walang “sticker” ang sasakyan nito.
Ayon kay Axl na kuya ni Kurt, nagsisisi na ang kaniyang kapatid sa ginawang pananakit nito kay Pajares at handa itong personal na humingi ng paumanhin.
Sinabi pa ni axl na handa ang kaniyang kapatid na harapin ang anomang reklamong isasampa sakaniya ni Pajares.
Nilinaw din ni Axl na wala umanong dalang baril si Kurt nang mangyari ang insidente dahil alam nito na may umiiral na Gun ban sa bansa.
Samantala, handa naman ang BF Federation of Homeowners’ Associations na makipag-usap sa pamilya Teves pero hindi pa umano ito ang tamang panahon.
Nanawagan naman sa publiko si Axl na huwag nang idamay ang iba pa nilang pamilya dahil sa ginawa ng kaniyang kapatid. —sa panulat ni Angelica Doctolero