Tiniyak ni Interior Secretary Eduardo Año na malabong sumiklab ang mala-anarkiyang sitwasyon sa bansa gaya ng looting, riot at kaguluhan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Año, mas disiplinado at sumusunod sa batas ang mga Pilipino kumpara sa ibang bansa kung saan nagkakaroon ng riot at looting.
Sa katunayan ay mayroon anyang ilang kriminal na nahuhuli naman sa tulong ng mga concern citizen.
Hinikayat naman ng DILG Chief ang publiko na maging mapagmatiyag at agad magsumbong sa mga otoridad o tumawag sa 911 kung may kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. — Sa panulat ni Drew Nacino