Nananatili sa kritikal na kondisyon si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. sa National Kidney and Transplant Institute o NKTI.
Ayon kay Atty. Salvador Panelo, abogado ni Ampatuan Sr., noong Hunyo pa binigyan ng taning na tatlo hanggang anim na buwan si Andal Sr. matapos matuklasang nasa stage 4 na ang kanyang liver cancer.
Gayunman, nangangamba aniya sila na hindi na magtagal si Ampatuan Sr. dahil sa mga kumplikasyon.
Nitong linggo lamang isinugod sa NKTI si Ampatuan senior makaraang magdumi at magsuka ito ng dugo.
“Kumplikasyon na yung mga pagdumi niya ng dugo, pagsuka niya ng dugo tapos nagkaroon pa siya ng massive heart attack.” Ani Panelo.
Nais sanang tumestigo
Samantala, sinagot ng abogado ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. ang pahayag ni Maguindanao Governor Toto Mangudadatu na dadalaw siya sa matandang Ampatuan kung hihingi ito ng paumanhin.
Matatandaan na kabilang ang asawa at kapatid ni Mangudadato sa 58 nasawi sa Maguindanao massacre noong 2009 na ang sinasabing mastermind ay ang mga Ampatuan.
Ayon kay Atty. Salvador Panelo, hindi magsisinungaling ang isang tao na may taning na ang buhay at naninidigan ito na inosente ang kanyang pamilya sa Maguindanao massacre.
“Nasa kritikal siya, alam niya ‘yun, binigyan ka na nga ng liver cancer diagnosis, anytime you can go, then the old man told me he wanted to testify and to give his side to establish innocence in court, ‘yung mga taong mamamatay hindi nagsisinungaling ‘yan, kaya ang sagot ko kay Gov. Toto Mangudadatu, naghahanap ka ng katotohanan, ito sinasabi na sayo ng isang mamamatay na tao, ‘yan ang katotohanan.” Pahayag ni Panelo.
Ayon kay Panelo, nais sana ng matandang Ampatuan na makaharap pa bilang testigo upang personal na mapabulaanan ang mga paratang laban sa kanila.
Masama rin aniya ang loob nila dahil hindi lumalabas sa media ang mga nangyayari sa pagdinig ng kaso lalo na kung pumapabor ang mga ebidensya sa mga Ampatuan.
Tinukoy ni Panelo ang mga dokumento at mga testimonya na kokontra sa mga testimonya na nagpulong ang pamilya Ampatuan noong November 17, 2009 para planuhin ang pag-ambush kay Mangudadatu at mga testimonya na binayaran lamang ilang testigo sa panig ng prosecution.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit