Hahayaan lamang ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar ang kaniyang assistant secretary na si Mocha Uson na maghayag ng saloobin nito bilang bahagi ng kaniyang Kalayaan.
Iyan ang tugon ni Andanar sa harap na rin ng mga panawagan na sibakin na sa puwesto si Uson dahil sa paniniwalang nakasisira lamang umano ito sa administrasyon at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Andanar, dapat igalang ng lahat ang poder ni Pangulong Duterte sa pagtatalaga kay Uson at huwag itong pangunahan sa kung ano ang kaniyang plano.
Magugunitang nanawagan ang mismong hepe ng PIA o Philippine Information Agency na si Harold Clavite noong isang linggo kay Uson na lisanin na nito ang puwesto dahil sa sunud-sunod na kontrobersiyang kinasasangkutan nito.
Naniniwala si Andanar na ang mga disgusto ng isa laban sa isa lalo’t magkakasama sa iisang opisina ay dapat pinag-uusapan lamang sa loob at hindi na isinasapubliko pa.
Ang PIA ay nasa direktang pamamahala at nasa ilalim ng PCOO na pinamamahalaan naman ni Andanar.