Pinasalamatan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) si resigned PCOO Assistant Secretary Mocha Uson sa ibinigay nitong serbisyo sa pamahalaan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar bagamat isa nang pribadong indibiduwal ngayon si Uson, pinaplano na ng tanggapan ng kalihim na magkaroon pa ng mga proyekto kung saan kanilang magiging katuwang si Uson.
Binigyang diin ni Andanar na nananatili namang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte si Uson kahit pa nagbitiw na ito sa kanyang tungkulin.
“Kung inuutsan mo siya ng isang bagay halimbawa gumawa ng production para sa PCOO ay hindi niya pinapabayaan, sa dami ng kanyang followers ay siguradong nagva-viral at dumarami ang viewers agad so wala akong masasabi talaga kundi of course nagpapasalamat kami kay Mocha sa kanyang serbisyong ibinigay niya sa PCOO, sa gobyerno.” Ani Andanar
Samantala, personal namang inihayag ni Andanar ang kanyang suporta sa anumang plano ngayon ng dating Assistant Secretary ng PCOO.
“Kung anuman ang plano ni Mocha whether in her life as an artist, life as a political blogger, o kung gusto niyang maging pulitiko ay susuporta kami, ako personally I will support her, gaya nung sinabi ko noon na lumulutang ang kanyang pangalan sa mga posibleng kandidato sa pagka-senador ay sabi ko malaki ang chance ni Mocha na manalo at susuportahan ko siya, ako naman ay may isang salita so talagang susuportahan ko siya.” Pahayag ni Andanar
(Balitang Todong Lakas Interview)