Kabilang umano si Presidential Communications and Operations Office o PCOO Secretary Martin Andanar sa mga iimbestigahan kaugnay ng kontrobersyal na animnapung (60) milyong pisong ad placement ng Department of Tourism sa state run TV network na PTV-4.
Iyan ang kinumpirma ni Special Assistant to the President Cristopher “Bong” Go matapos umabot sa Pangulo ang balita hinggil sa Commission on Audit o COA report na kumukuwestyon sa naturang transaksyon.
Bagama’t hindi naman sinabi ni Go na mayroon na silang ikinasang imbestigasyon hinggil sa usapin, nilinaw niyang inaalam pa lamang ng Palasyo ang buong kuwento sa likod ng naturang usapin at wala pang mga taong sangkot na tinatanong hinggil dito.
Una nang itinanggi ni Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo na may alam siya sa paglalagay ng DOT ng ad placement sa mga programa ng PTV-4 kung saan, sinasabing kabilang dito ang ilang programa ng kaniyang kapatid na si Ben Tulfo na mayroong sariling production house na “Bitag” Media Unlimited Incorporated.
—-