Posibleng si Presidential Communication Secretary Martin Andanar o iba pang gabinete ang susunod na bumisita sa Pag – asa Island na bahagi ng pinagtatalunang West Philippine Sea.
Kasunod ito ng pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ng planong pagtulog sa Spratlys kasama ang mga sundalo sa araw ng kalayaan sa Hunyo 12.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, maaring si Andanar ang syang dumalaw bilang kinatawan ng Pangulo at para na rin mag set – up ng istasyon ng radyo sa naturang isla.
Idinipensa naman ni Lorenzana ang ginawang pagkansela ng Pangulo sa kanyang byahe dahil ito ay akto lamang ng pakikipagkaibigan nya sa rehiyon.
Matatandaang bumisita si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isla kasama ang ilang miyembro ng media noong Abril 21.
Sec. Lorenzana hinikayat ang mga mangingisdang nakakaranas ng harassment mula sa China na maghain ng protesta
Hinikayat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga mangingisdang nakakaranas ng harassment mula sa China na magsumbong at maghain ng protesta.
Kasunod ito ng balitang hinarass ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang mula sa Bataan na lumalaot sa Pagkakaisa Bank o Union Reef sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, ito ay upang ipakita na pumapalag ang Pilipinas at mapanindigan ang pag ma-may–ari sa teritoryong sakop ng bansa.
Maging ang eroplanong sinasakyan ng kalihim ay apat (4) na beses sinita ng China nang magtungo ito sa Kapayaan Island.
By Rianne Briones