Dapat i-protesta at ikabahala ng gobyerno ang panghihimasok ng China sa Benham Rise na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ito, ayon kay dating National Security Adviser at Parañaque City 2nd District Rep. Roilo Golez, ang nakikitang solusyon upang mapigilan ang posibleng pagtatayo ng mga istruktura sa Benham.
“Dapat ay i-protesta natin yan dahil pinasok nila ang ating teritoryo, iligal ang kanilang ginawa, dapat ipakita natin na tayo’y galit sa kanilang paglabag sa ating teritoryo. Ang China kasi ang claim nila as a South China Sea, kanluran ng nakaharap sa Palawan at Zambales, pero ngayon mukhang tumawid sila, humakbang sila, lumundag at pumasok dito sa kabila.” Ani Golez
Hindi anya malayong angkinin din ng Tsina ang karagatan sa silangang bahagi ng Pilipinas gaya sa mga isla sa West Philippine Sea.
Gayunman, sa pagkakataong ito ay malakas ang laban ng Pilipinas dahil ligal na bahagi ng teritoryo ng bansa ang Benham Rise na ini-award ng United Nations (UN), noon lamang 2012.
“Tignan niyo yung nangyari noong 2012 kinuha nila, tinuluyan nila at hanggang ngayon full control nila ang Scarborough Shoal, itong Benham Rise malaking teritoryo natin hindi ito exclusive economic zone, kundi talagang teritoryo natin, we have full sovereignty dito sa Benham Rise at dapat pangalagaan natin ito.” Pahayag ni Golez
By Drew Nacino | Balita Na Serbisyo Pa (Interview)