Si Pangulong Rodrigo Duterte ang ikatlong Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nagdeklara ng Martial Law mula kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Taong 1972 nang ibagsak ni dating Pangulong Marcos ang Batas Militar sa buong bansa sa ilalim ng Presidential Proclamation 1081 bunsod umano ng banta ng komunismo.
Tumagal ito ng siyam (9) na taon hanggang noong 1981 kung saan, naitala ang iba’t ibang kaso ng mga umano’y paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaan na ikinasawi ng daan-daang indibiduwal.
Diyembre 5 taong 2009 naman nang ideklara naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Martial Law sa lalawigan ng Maguindanao sa ilalim ng Proclamation 1959.
Ito’y matapos naman ang karumal-dumal na pagpaslang sa limampu’t walong (58) indibiduwal kabilang na ang tatlumpu’t dalawang (32) miyembro ng media sa bayan ng Ampatuan.
Pitong (7) araw lamang ang itinagal ng Martial Law sa Maguindanao batay na rin sa rekomendasyon ng gabinete ni Ginang Arroyo.
At ngayon dahil sa nangyaring engkuwentro ng militar at ng Maute Terrorist Group na kilalang tagasuporta ng ISIS sa Marawi City, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa buong isla ng Mindanao na tatagal ng 60-araw.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, layon nitong matuldukan ang problema ng terorismo sa nasabing lugar maliban pa sa presensya ng Abu Sayyaf, BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iba pa na kumukubkob hindi lamang sa Marawi City kundi sa iba’t ibang panig nito.
TIMELINE: PAGSUGOD NG MAUTE GROUP SA MARAWI
May 23, 2017
2PM–Naglunsad ng surgical strike ang militar sa Barangay Basak Malutlut laban sa mga tinaguriang high value targets tulad ng Abu Sayyaf at Maute Group makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa presensya ng labinlimang (15) armadong lalaki sa lugar.
Agad itong nasundan ng engkuwentro sa pagitan ng militar at ng armadong grupo malapit sa pinagkukutaan umano ni Abu Sayyaf Leader Isnilon Hapilon na nagpapagamot sa lugar.
5PM–Sinimulan na umanong kubkubin ng Maute Group ang Amai Pakpak Medical Center na isang pampublikong ospital sa lungsod.
Nagkalat din sa lugar ang mga sasakyan na may nakataas na kulay itim na watawat, taglay ang insignia o simbulo ng international terrorist group na ISIS.
6PM–Nakubkob na rin umano ng Maute ang Marawi City Jail batay sa impormasyong ipinakakalat ng mga residente sa social media kung saan, sinunog din ito kalaunan.
7PM–Kinumpirma ng AFP o Armed Forces of the Philippines na limang (5) sundalo ang nasugatan sa bakbakan sa pagitan nila at ng mga armadong grupo.
8PM–Isang pulis ang kumpirmadong nasawi sa bakbakan at dalawang sunog ang naitala partikular sa Dasalan College at St. Mary’s Church.
10:30PM–Patuloy pa rin ang operasyon ng militar sa lugar laban sa mga high value target
Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Philippine army, na-contain o kontrolado na umano ng militar ang mga suspek na pinaniniwalaang sympathizer ng ISIS.
11:30PM–Ganap nang inanunsyo ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasailalim sa buong isla ng Mindanao sa Martial Law.
Kinumpirma rin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na puputulin na ni Pangulong Duterte ang kanyang pagbisita sa Russia at uuwi na ito sa Pilipinas para tingnan ang sitwasyon.
By Jaymark Dagala
Ang ikatlong Pangulo na nagdeklara ng Martial Law was last modified: May 24th, 2017 by DWIZ 882