“Ang pagtanggap kay Hesu Kristo ay nagsisimula sa pagtanggap sa kanyang presensya sa mga dukha.”
Ito ang inihayag ni Manila Archdiocese Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homily bilang bahagi ng pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas na hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw.
Ayon kay Tagle, ang pagtanggap kay Hesus ay nangangahulugang tinatanggap din ang kanyang presensya sa mga mahirap na may dangal kahit dinuduraan at iniinsulto ng lipunan dahil batid ng Diyos ang katotohanan.
Hinamon ng arsobispo ang mga mananampalataya na tanggapin ang mga mensahero ng Diyos na itinakwil ng lipunan gaya ni Hesu Kristo.
Ipinunto ni Tagle na bago ang kamatayan ni Hesus ay dinuraan at binugbog ng taongbayan na sumalubong sa kanya nang pumasok sa Jerusalem.
Palm Sunday
Ipinagdiwang ng mga Katoliko sa iba’t ibang simbahan ang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday, ang hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw.
Sa Manila Cathedral sa Intramuros, pinangunahan ni Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagbabasbas sa mga palaspas, kahapon.
Alas-7:00 ng umaga nang sabay-sabay na iwinagayway ng mga Katoliko ang mga palaspas habang winiwisikan ang mga ito ng holy water ni Cardinal Tagle.
Sinundan ito ng isang misa, kung saan hinikayat muli ni Cardinal Tagle ang mga Katoliko na makiisa sa mga aktibidad ng simbahan ngayong Semana Santa.
Ang Palm Sunday ang pagdiriwang ng mga Katoliko sa pagbabalik ni Hesu Kristo sa Jerusalem na hudyat rin ng pagsisimula ng kanyang kalbaryo hanggang sa pagkakapako sa krus.
Samantala, dinagsa rin ng mga Katoliko ang Quiapo Church sa Maynila at Baclaran Church sa Parañaque City.
By Drew Nacino