Matapos ang walang humpay na operasyon at pagtuon ng panahon at atensiyon ng pamahalaan laban sa mga sinasabing wanted International Terrorist, ganap nang winakasan ang buhay ng numero-unong Pinoy terrorist na si Abdul Basit Usman.
Ilang buwan ding tinutukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa mga teroristang taga-hasik ng karahasan sa Pilipinas.
Kung pagbabasehan ang ulat, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) umano ang nakapatay kay Usman.
Ngayon at may dalawa pang galamay sina Usman at Marwan na dapat pang tugisin, aba’y tila nakalimutan na ng otoridad ang pagtugis din sa grupo ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Nitong linggo lamang ay tila nagkaroon ng “shopping spree” ang ASG, dahil sa patuloy nilang pagkidnap ng mga inosenteng indibidwal.
Ilan sa mga hawak ngayon ng ASG ay ang dalawa umanong kasapi ng Philippine Coastguard, isang finance officer ng isang Mining Company, isang Barangay Official at isang aklade ng isang bayan sa Zamboanga-Sibugay.
Hindi na bago sa atin ang pangingidnap ng Abu Sayyaf, katunayan, ilang banyaga na rin ang kanilang dinukot at ang masaklap ay humantong sa pagkamatay ng mga bihag dahil sa pamumugot bilang paraan nila para takutin ang gobyerno at pamilya na tuparin ang hinihingi nilang ransom money.
Ngayon napag-alaman natin na bagamat patuloy umano ang operasyon ng militar laban sa ASG, katunayan di na raw mabilang ang mga nasawi sa panig ng mga bandido, pero tuloy naman ang dating gawi ng grupo.
Mismong ang tagapag-salita ng AFP na si Brigadier General Joselito Kakilala ang nagsabi, na may mga “lawless elements” na may kaugnayan sa ASG ang siyang gumagawa ng “leg-work”, at ipinapasa na lamang nila ang mga bihag sa Abu Sayyaf.
Ngayon ang tanong, ano ang dapat gawin ng ating militar, gayong ganun na pala ang kalakaran sa Mindanao?
Alam natin na puspusan ang kampaniya ng ating kasundaluhan upang malikida ang mga salot sa bayan, tulad ng teroristang grupo, pero dapat upang matigil ang ganitong pangyayari sa Mindanao, partikular sa mga lalawigan ng Basilan, Zamboanga at Sulu, dapat imbes na idaan sa pwersang militar ang mga lugar na ito, mas dapat unahin muna ang kalagayan at estado ng bawat mamamayan doon, dahil hindi kailanman matitigil ang mga ganitong krimen, kung patuloy ang kahirapan at kawalan ng pag-asenso sa buhay ng ating mga kababayan doon.