Nabunyag na iniimbestigahan ngayon ng kanyang sariling party-list group ang isang mambabatas matapos umanong manuntok ng isang waiter sa isang restaurant sa Legazpi City.
Sinasabing sa isang kuha ng closed-circuit television camera (CCTV) sa Bigg’s Diner ay makikita ang panununtok ni Rep. Alfred Delos Santos ng Ang Probinsyano party-list sa 20-anyos na si Christian Kent Alejo.
Sa isang police report, bigla na lamang sinapak ni Delos Santos si Alejo sa hindi malamang dahilan at masuwerteng nakailag ang waiter.
Ayon naman kay Ang Probinsyano spokesman Joco Sabio, hindi sila mangingiming patawan ng suspensiyon o kaya’y sibakin si Delos Santos kapag napatunayang unprovoked attack ang ginawa ng kongresista.
Ang Probinsyano o Alyansa ng Mamamayang Probinsyano ay kabilang sa anim na party-list groups na nakakuha ng tigda-dalawang upuan noong May 13 elections.