Duda ang PAO o Public Attorney’s Office sa affidavit ng taxi driver na umano’y hinoldap ni Carl Angelo Arnaiz sa Caloocan City.
Ayon kay PAO Chief Atty. Percida Rueda – Acosta, kulang sa mga impormasyon ang affidavit ng taxi driver tulad ng kawalan ng pangalan at plate number ng nasabing taxi.
Gayunman, tiniyak sa DWIZ ni Acosta na malinaw sa mga physical evidence ang tinamong mga sugat ni Arnaiz na ang dibdib ay tila ginawang firing range.
“Siyempre, titingnan natin ang physical evidence dahil ang physical evidence hindi nagsisinungaling, ang tao pwede magsinungaling pero ang physical evidence hindi.
Ano ‘yun? ‘Yung mga sugat na tinamo at mga gasgas na tinamo at ‘yung bakas ng pagkakaposas kay Carl, ‘yan po ang magsasalita kung ano po ang ginawa kay Carl
Carl Angelo Arnaiz positibo sa gunpowder
Nag-positibo sa gunpowder nitrate si Carl Angelo Arnaiz.
Ipinabatid ito ni Crime Laboratory Deputy Director for Administration Senior Superintendent Ligay Sim.
Ipinabatid naman ni PAO Medico Legal Officer Erwin Erfe na hindi sila nagsagawa ng anumang paraffin test kay Arnaiz.
Magulang ni Carl Angelo Arnaiz isinailalim na sa WPP
Isinailalim na ng Department of Justice (DOJ) sa WPP o Witness Protection Program ang magulang ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Ipinabatid ni Justice Undersecretary Erickson Balmes na inilagay nila sa provisional coverage ng WPP sina Carlito at Eva Arnaiz.
Lumagda ang mag-asawang Arnaiz sa isang Memorandum of Agreement sa DOJ bago binigyan ng proteksyon, seguridad at mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act 6981 o Witness Protection, Security and Benefit Act.
Kabilang dito ang paglalagay sa mag-asawang Arnaiz sa isang safe house, pagbibigay ng buwanang allowance, security protection, hospitalization at mga gamot.
Palasyo sa pagkakapatay kay Carl Angelo Arnaiz
Patas at malalimang imbestigasyon.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kaugnay nang pagkamatay ni Carl Angelo Arnaiz.
Sinabi ni Abella na mananagot ang mga mapapatunayang may kagagawan sa pagpatay kay Carl.