Isinusulong ni Senador Sonny Angara ang imbestigasyon muli sa PhilHealth dahil sa atrasadong pagbabayad nito sa claims ng mga ospital.
Sa kaniyang inihaing resolusyon, sinabi ni Angara na mas mabuting mabusisi kung bakit palaging matagal magbayad ng PhilHealth, kung paanong mapapabilis ang pagbabayad at kung ano ang maitutulong ng kongreso at iba pang ahensya ng gobyerno sa PhilHealth.
Ayon kay Angara, Chairman ng Senate Finance Committee, tungkulin ng gobyerno na tiyaking sapat ang kakayahan at kapasidad ng mga pampubliko at pampribadong ospital lalo na ngayong pinangangambahan ang pagdami ng magkakasakit dahil sa mas nakakahawang Delta variant ng coronavirus.
Hindi aniya uubrang paunti unting pagbabayad ng PhilHealth dahil magiging dahilan ito para bawasan ng ilang ospital ang kanilang operasyon o magbawas ng bed capacity at working hours ng kanilang mga tauhan.
Una nang inihayag ni Dr. Jaime Almora, Pangulo ng Philippine Hospital Association na nasa P50 milyon hanggang P70 milyon ang hindi nababayaran ng PhilHealth sa bawat ospital kaya’t may mga nangungutang o kaya naman ay ginagamit ang savings sa kanilang operasyon.