Kung kagabi ay bigo ang senado na maipasa sa ikalawa at huling pagbasa ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill —umaasa si senate committee on finance chairman Sonny Angara na maayos at mabilis nilang maipapasa ngayon sa 2nd at 3rd reading ang panukalang budget para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng P4.5-trilyon.
Ayon kay Angara, sinikap na nilang plantsahin ang mga panukalang amendments sa budget at umaasa siya na maging katanggap-tanggap ito sa mga senador.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na bukod sa 2021 budget, ipapasa na din nila ngayon sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang CREATE Bill.
Giit ni Sotto, hindi nya palulusutin sakaling may magtangka na iantala ang pagpasa ng CREATE Bill.
Kapwa sinertipikahang ‘urgent’ ng Pangulong Rodrigo Duterte ang budget at CREATE bill kaya maaaring ipasa ang mga ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
Giit ni Sotto, mahalaga ang agarang pagpasa ng mga panukalang batas na ito para sa muling pagbangon at pagsigla ng ating ekonomya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)