Naglabas na ng tubig ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan.
Kasunod na rin ito nang pag-abot sa spilling level ng 212 meters dahil sa buhos ng ulan mula sa bagyong Nona at Onyok.
Ayon sa National Power Corporation, nagpalabas sila ng 50 cubic meters na tubig kada segundo at dumiretso ito sa riverways at hindi magiging sanhi nang pagbaha.
Gayunman, pinayuhan ng NPC ang local government at mga residenteng malapit sa Angat river na mag-ingat at maghanda na rin.
Flood
Walang pangamba ng pagbaha sa mga mabababang lugar malapit sa Angat dam sa Norzagaray, Bulacan.
Ayon ito kay PAGASA Hydrologist Danilo Flores dahil minimal lamang o nasa 50 cubic meter per second ang inilabas na tubig sa unang isang oras at panibagong cubic meters per second sa susunod na oras.
Sinabi pa ni Flores na mas malaki ang kapasidad ng Angat river na mag drain ng tubig kaysa volume ng tubig na ilalabas nito.
Tiniyak ni Flores ang patuloy na monitoring sa nasabing sitwasyon at nabigyan na aniya ng briefing ang local government units.
Samantala, umabot na sa spilling level ang tubig sa San Roque dam bagamat tumigil na ang pag-ulan simula pa kagabi.
By Judith Larino