Tatlong anggulo ang tinitignang motibo ng mga otoridad sa pamamaril sa isang abogada at anak nito sa Mandaue City, Cebu.
Nakaligtas sa naturang insidente ang mag-inang sina Atty. Karen Gonzalez at Jeremy Keith, 19- anyos.
Naniniwala si LT. Col. Frank Oriol, Deputy director for Operations ng Mandaue City Police Office, na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang motibo sa pananambang.
Ayon kay Oriol, bukod sa pagiging Abogada, manager din si Gonzalez ng Business Marketing and Development Department ng Cebu Port Authority at nagsusulat sa isang pahayagan sa Cebu.
Maaari anyang may kinalaman ang krimen sa mga kasong hinahawakan ni Gonzalez, pagiging empleyado ng Cebu Ports Authority o paghihiganti.
Dakong alas 8:30 ng gabi noong Miyerkules nang pagbabarilin ang mag-ina sa Hernan Cortes Avenue, Barangay Banilad.
Minamaneho ni Atty. Gonzalez ang kanyang kotse sa nasabing lugar nang biglang tambangan ng mga hindi nakilalang salaring lulan ng motorsiklo.
Samantala, nag-alok na ang Integrated Bar of the Philippines-Cebu Chapter ng 50,000 peso reward sa makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng mga salarin o makapagbibigay ng impormasyon para sa ika-reresolba ng kaso.