Muling lumutang ang anggulong arson o sinadya ang nangyaring malaking sunog sa Star City noong nakalipas na linggo.
Iyan ang inihayag ni Pasay City Fire Marshall Paul Pili matapos ang isinagawa nilang inspeksyon sa loob ng amusement park ilang araw makaraang tuluyang maapula ang sunog.
Lumalabas sa imbestigasyon na isang Mr. Wong umano ang pumasok sa loob ng Star City na may dalang saku-sakong bulak noong gabi bago mangyari ang insidente subalit hindi ito naka-log sa guwardya.
Dahilan upang lalong lumakas ang hinala ng mga taga Bureau of Fire Protection na sinadya ang sunog subalit kailangan muna nilang makuhanan ng pahayag ang may-ari ng Star City hinggil dito.
Star City nanindigang aksidente ang nangyaring sunog sa kanilang amusement park
Pinalagan ng pamunuan ng Star City ang naging pahayag ng Bureau of Fire Protection na posibleng sinadya ang panununog sa nasabing amusement park noong isang linggo.
Ayon kay Atty. Rudolph Jularbal, tagapagsalita ng Star City, nagtataka sila kung bakit nauna pang magbigay ng pahayag ang BFP sa media kaysa sa kanila.
Madali namang ipaliwanag ang mga pangyayari lalo na ang natagpuang gasolina na siyang ginagamit sa pagpapatakbo ng mga rides.
Normal din aniya ang pagpapapasok ng bulak sa loob ng Star City dahil ginagamit ito bilang palaman sa mga stuffed toys.
Kasunod nito, nanindigan ang pamunuan ng Star City na aksidente ang nangyaring sunog lalo’t wala naman silang nakikitang motibo para gawin ito ng sinuman.
Umaasa ang pamunuan ng Star City na magiging patas ang BFP sa kanilang ginagawang imbestigasyon bago maglabas ng anumang pahayag sa publiko.