Lalo pang lumakas ang anggulong Narco Terrorism sa nangyaring pagpapasabog sa Davao City Night Market noong Biyernes ng gabi.
Inihayag ito ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa matapos nilang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa Davao blast na ikinasawi ng 14 katao.
Ibinulgar ni Dela Rosa na bago pa man mangyari ang malagim na pagsabog sa Davao, may mga natanggap na silang intelligence report na may ilang drug personalities sa Central Mindanao ang nagpondo para isagawa ang pambobomba.
Nang pagtagpi-tagpiin aniya nila ang mga nakuha nilang impormasyon, lumalabas na mas matimbang ang anggulong Narco Terrorism kaysa sa purong terorismo lamang.
Gayunman, aminado si Dela Rosa na kailangan pa nila ng kongretong ebidensya para patunayan ito.
Naniniwala ang PNP-Chief na ginagawa ito ng mga drug lord dahil nasisira na ang iligal na operasyon ng mga ito at nasasagasaan na ang pride ng mga sindikato dahil sa mahabang panahon ay hindi sila nagagalaw.
By: Meann Tanbio / (Reporter No.31) Jonathan Andal