Isinantabi na ng Diocese of Caloocan ang anggulong sabotahe sa likod ng pagkalapnos o pagkapaso ng noo dahil sa abo ng tinatayang tatlundaang parokyano ng San Roque Cathedral, noong Ash Wednesday.
Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, batay sa isinagawang laboratory examination ay “overcooked charcoal” na naging “acidic” nang ihalo sa tubig ang dahilan ng pagkalapnos ng noo ng mga nilagyan ng abo.
Napakarami anyang palaspas ang sinunog bukod pa sa idinagdag na mga dahon dahilan upang masobrahan sa pagkakasunog na nagresulta naman sa maitim na uling subalit kulay gray na abo.
Nilinaw ni David na hindi naman lahat ay naapektuhan dahil tanging ang liquid part na naging acidic ang naging dahilan ng lapnos.