Mas tumibay ang anggulong suicide bombing ang nangyari sa Jolo cathedral dahil sa natagpuang iba’t ibang bahagi ng katawan sa pinangyarihan ng pagsabog.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Western Mindanao Regional Office Chief Moises Tamayo, natuklasan sa loob ng simbahan ang hibla ng buhok, parte ng bumbunan at bahagi ng spinal cord na posibleng galing sa iisang tao.
Aniya, natagpuan ito sa puwesto ng choir na mas mataas sa bahagi na kinaroroonan ng mga nagsisimba.
Sa pahayag ng isang testigo, napansin niya ang isang hindi mapakaleng babae na naka-backpack sa center aisle ng simbahan ngunit hindi na niya ito nakita matapos ang kambal na pagsabog.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang mga ambassador ng Russia at Israel sa Pilipinas sa mga pamilya ng nasawi sa Jolo cathedral bombing.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magkahiwalay na humarap kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang ambassador para ipahayag ang kanilang pakikipagdalamhati.
Kinilala ng naturang mga bansa ang laban ng Pilipinas laban sa terorismo at karahasan na hatid ng mga extremist group.
Dito ay muli namang inulit ng Russian ambassador ang commitment ng Russia na tumulong sa Pilipinas sa paglaban nito sa terorismo.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa dalawang envoy dahil sa pakikiisa nito sa pagdadalamhati ng buong bansa.
—-