Inalmahan ng riders ng motorcycle hailing app na Angkas sa pagbabawal ng Skyway Corporation na makadaan sila sa ilang bahagi ng Osmeña Highway dahil sa umano’y mababang klase ng makina ng kanilang mga motorsiklo.
Tinawag na anti poor at anti bikers ng Angkas ang nasabing direktiba matapos kuwestyunin ang kapangyarihan ng Skyway Operations and Maintenance Corporation na magpatupad ng ban sa mga motorsiklo na mababa sa 400cc ang gamit na makina na makadaan sa bahagi ng Sales Bridge sa Pasay City hanggang sa Magallanes sa Makati City.
Wala anila sa poder ng Skyway Corporation ang kapangyarihan para dito dahil hindi naman pribadong kalsada ang parte ng Osmeña Highway na karugtong ng SLEX at hindi naman bahagi ng tinatawag na limited access tollways.
Sinabi pa ng Angkas na wala ring iniisyung direktiba ang DOTR, Toll Regulatory Board o DPWH hinggil sa naturang kautusan.
Nagbanta ang Angkas na mapipilitan silang maghain ng kaso laban sa Skyway kapag hindi nito binawi ang ban sa Osmeña Highway.