Ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na may 91 indibiduwal na kasalukuyang naka-puwesto sa pamahalaan ang kabilang sa kanilang listahan ng mga sangkot umano sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, mula sa nasabing bilang, anim hanggang pito rito ay pawang mga mambabatas mula sa Kamara kung saan, isa rito ang mula sa Region 3.
Maliban dito, isiniwalat din ni Aquino na may isa pang opisyal na humahawak ng posisyong bise gubernador ang kabilang din sa kanilang narco-list.
Sinabi ng PDEA Chief na hinihintay na lang nila ang basbas mula kay Pangulong Rodrigo Duterte kung kanila itong ilalabas sa publiko bagama’t nasa revalidation stage pa rin ang naturang listahan, inaasahan nilang matatapos ito sa loob lamang ng dalawang linggo.
Magugunitang inilabas kamakailan ng PDEA ang kanilang narco-list ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa ipinagbabawal na gamot upang magsilbing gabay ng mga botante sa nakalipas na barangay at SK elections noong isang buwan.
—-