Pinangalanan na ni John Paul Solano ang mga frat members ng Aegis Juris Fraternity na nasa likod ng hazing na ikinasawi ni Horacio Castillo III.
Ginawa ito ni Solano sa isang executive session ng Senado matapos ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Security na tumagal hanggang alas-11:00 ng gabi.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, malaman ang naging testimonya ni Solano sa kanilang executive session na tiyak na magagamit ng pulisya para kasuhan ang mga nakapatay kay Castillo.
Anim aniyang pangalan ang binanggit ni Solano na direktang naroon sa lugar kung saan isinagawa ang hazing kay Castillo.
Gayunman, wala aniyang katotohanan ang mga haka-haka na malaking pangalan ang nasa likod ng hazing dahil tila pawang kasing edad lamang ni Solano ang kanyang mga nabanggit na personalidad.
“Sobrang malaman, talagang kinilabutan nga kaming mga senador nung nagku-kuwento siya kung anong nangyari, ang agreement dahil executive session hindi pa natin maibibigay ang detalye ngayon, once na nag-execute siya ng affidavit, at nagbigay ng mga dokumento, ilalahad niya lahat ng mga detalye, mga pangalan kung sino-sino ang mga sangkot doon, if I remember correctly, anim na pangalan yung direktang nasa crime scene, once na nag-file na siya ng affidavit, babalik sa Senado upang mabanggit isa-isa kung sino ang mga taong ito.” Ani Gatchalian
‘Anti-Hazing Law’
Samantala, bibilisan ng Senado ang pag-amyenda sa Anti-Hazing Law.
Kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na maisasabatas ang mas matibay, mas klaro at mas epektibong Anti-Hazing Law sa susunod na isa hanggang dalawang buwan.
Ayon kay Gatchalian kung siya lamang ang masusunod, mas nais niyang bumuo na lamang sila ng isang bagong batas kaysa amyendahan ang umiiral nang batas kontra sa hazing.
Sa kanyang Senate Bill 199, nais ni Gatchalian na tuluyang ipagbawal ang hazing.
Meron rin aniya itong probisyon kung saan mananagot rin sa batas ang mga elders ng isang fraternity kahit wala sila sa lugar kung saan isinagawa ang hazing subalit wala silang ginawa para pigilan ito.
“Kung alam ng mga nakatatanda, yung mga senior officials, at binigyan nila ng go signal at hindi nila pinigil ang hazing na ito, kasali ka as principal suspect, yan ang isa sa mga bagong feature na sinali natin dahil karamihan din ng mga fraternity member, kinokondena na nila ang ganitong pamamaraan ng initiation, ayaw na nila ng ganito dahil nga delikado at may namamatay, sila na rin ang nagsasabi sa amin na ganito ang kanilang kultura, ganito ang kanilang pamamalakad at dapat isama ito sa batas.” Pahayag ni Gatchalian
(Ratsada Balita Interview)