(Updated)
Anim PDEA-ARMM agents at isang non-uniformed personnel ng Tagoloan Municipal Police Station ang napatay ng mga hindi pa natukoy na suspek sa Barangay Malna, Kapai, Lanao del Sur.
Kinilala ang mga napatay na PDEA agents na sina Kenneth Tabulo, Kristine Mae Torlao, Lores Joy Amar, Binzo Dipolla at Diobel Pacinio na nasawi habang ginagamot sa Amai-Pakpak Medical Center sa Marawi City gayundin si Rachel Gentapanan.
Mariing namang kinundena ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency ang nangyaring pananambang.
Sa isang pahayag, sinabi ni PDEA Dir/Gen. Aaron Aquino, hindi katanggap-tanggap ang sinapit ng mga kawani ng pamahalaan na tumutupad lamang sa kanilang sinumpaang tungkulin sa taumbayan.
Tiniyak ni Aquino ang tulong na ipaaabot nila sa pamilya ng anim na nasawing PDEA agents at magkakasa sila ng imbestigasyon para matukoy ang mga nasa likod ng nasabing insidente.
Gagamitin din ng PDEA ang buong resources nito para sa ganap na ikahuhuli ng mga salarin at lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampaniya kontra iligal na droga.
Dahil dito, sinabi ni Aquino na lalo pang lumalakas ang kanilang loob na durugin ang mga sindikato ng iligal na droga at hindi kailanman sila magpapatalo sa mga ito.
Kami po ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya ng mga kasamahan nating nabiktima ng karahasang ito. Lalo lamang pong pagpapatunay ito na ang ating ginagawang pagbabantay kontra droga ay nararamdaman ng mga kriminal na ito. Pahayag ni Aquino
Anggulong paghihiganti, tinututukan na ng awtoridad
Anggulong paghihiganti ang tinututukan ng mga awtoridad sa pagkamatay ng anim na ahente ng PDEA sa nangyaring pananambang sa Barangay Malna, Kapai, Lanao del Sur.
Ayon kay PNP-ARMM Regional Director Chief Supt. Graciano Mejares, sakay ng PNP mobile ang mga tauhan ng PDEA kasama ang non-uniformed personnel ng Tagoloan Police Station mula sa isang drug symposium nang tambahgan sila ng mga hindi pa tukoy na armadong kalalakihan.
Kinilala ni Mejares ang mga nasawi na sina Kenneth Tabulo, Kristine Mae Torlao, Lores Joy Amar, Binzo Dipolla, Diobel Pacinio at Rachel Gentapanan.
Sinabi ni Mejares na hindi nila isinasantabi ang anggulong paghihiganti ang nangyari sa anim na PDEA agents lalo pat malalaking suspected drug personalities ang natimbog ng mga awtoridad sa rehiyon.
Sanib puwersa naman ang PDEA, PNP at AFP para tugisin ang mga suspek na nasa likod ng naturang ambush.