Pormal nang sinampahan ng isang animal welfare organization ng kaso ang mga residenteng nanghampas sa bagong panganak na aso sa San Pedro, Laguna.
Sa kanilang social media page, ibinahagi ng Biyaya Animal Care na tinanggap na sa Office of the Prosecutor ng lungsod ang kanilang isinampang kaso sa paglabag sa Republic Act No. 10631 o pag-amyenda sa Animal Welfare Act of 1998.
Ayon sa pahayag ng naturang animal welfare group, nasa kamay na nila ang hustisya para sa mga hayop na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga tao.
Matatandaang kumalat kamakailan ang video ng mga lalaking pinaghahampas ang isang inabandonang aso na kakapanganak pa lamang.
Ang Biyaya Animal Care ang sumaklolo sa asong pinangalanan nilang “Justice”, kasama ang anim na tuta nito.