Nitong mga nakalipas na araw, nakaranas ng matinding pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa bagyo at habagat.
Hindi maikakailang mahirap para sa atin ang ganitong uri ng panahon, ngunit mas mahirap ito para sa mga ligaw na hayop na walang masisilungan.
Dahil dito, hinikayat ng ilang animal welfare organizations ang publiko na isaalang-alang ang kaligtasan ng mga hayop ngayong tag-ulan.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post, nanawagan ang Animal Kingdom Foundation (AKF) sa mga residente na patuluyin at bigyan ng masisilungan ang mga ligaw na hayop, kahit saglit lamang.
Ayon sa AKF, napakahirap para sa mga hayop sa kalye na makahanap ng matutuluyan tuwing tag-ulan; kaya pakiusap ng naturang animal welfare organization, piliin ang magbukas ng pinto para sa mga nangangailangan.
Samantala, nagpaalala naman ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa pet owners na huwag kalimutan ang mga alagang hayop kung kailangang lumikas sa lugar.
Ngunit kung hindi talaga maaaring dalhin sa evacuation centers ang mga alaga, tiyaking hindi sila maiiwang nakatali o nakakulong upang mabigyan sila ng pagkakataong makalikas at makaligtas.
Matindi man ang tag-init o tag-ulan, hindi kailanman naging ligtas para sa mga hayop ang kalye. Marahil para sa atin, ilang oras o araw lamang natin silang matutulungan, pero para sa kanila, buong buhay nila ang nakasalalay.
Sabi nga ng AKF, “Your kindness will save a life.”