Mahilig ka bang mag-add to cart? Kung oo, good news, dahil nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas may layong maiwasan ang scam sa online transactions. Ito ang Internet Transactions Act (ITA).
Malaki ang naiaambag ng e-commerce sa ekonomiya ng bansa. Tumutukoy ang e-commerce sa paraan ng pagbili at pagbenta ng products and services online.
Maraming kinakaharap na hamon ang e-commerce, kaya naman kinakailangang magkaroon ng legal framework upang maprotektahan ang consumers at mapalakas ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Dito papasok ang ITA o Republic Act No. 11967.
Magbibigay ang ITA ng seguridad at suporta sa lahat ng stakeholders na involved sa e-commerce transactions. Layon nitong makapag-establish ng safe platforms kung saan matitiyak ang transparency at efficiency sa online transactions.
Higit pa rito, masisiguro ng batas na ito na magkakaroon ng trust sa pagitan ng online merchants at consumers na mas magpapatibay at mas magpapaunlad sa e-commerce ng bansa.
Sa bisa ng ITA, itatatag ang E-commerce Bureau (ECB) sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).
Inatasan ang ECB na protektahan ang digital consumers at merchants sa pamamagitan ng fair business practices at effective mechanisms for dispute resolution. Sila rin ang magiging in-charge sa pagbuo ng mga patakaran at sa pagtiyak na rehistrado ang digital platforms at online merchants.
Para kay Pangulong Marcos, naipapakita ng pagpasa ng ITA ang commitment ng bansa sa pagsulong ng digital economy.
Naniniwala naman ang primary sponsor nito na si Senator Mark Villar na sa pagpapatupad ng ITA, magiging scammer-free na ang Pilipinas.